Sulyap Balita
.1M mag-aaral apektado
Tumanggi sa buwis ng NPA, dinedo
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 71-anyos na lolo ng mga rebeldeng New People’s Army makaraang hindi makapagbigay ng buwis ang biktima sa maka-Kaliwang Kilusan sa Sitio Danao, Barangay Calongay, Pilar, Sorsogon kahapon ng madaling-araw. Kinilala ng pulisya ang biktimang si Apodemio Soreda, may-ari ng maliit na tindahan sa nabanggit na barangay. Napag-alamang patuloy na tumatanggi ang biktima sa ipinataw na revolutionary tax kaya nagdesisyon ang NPA rebs na patahimikin ang biktima para hindi tularan ng iba pang maliliit na negosyante. (Ed Casulla)
Lider ng mga holdaper, timbog
BANGUED, Abra – Kalaboso ang binagsakan ng isang 36-anyos na lider ng mga holdaper na may modus operandi sa Cordillera at Ilocos region makaraang masakote ng pulisya sa isinagawang operasyon sa bahagi ng Abra kamakalawa. Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Charito Gonzales ng Bangued Regional Trial Court Branch 1, dinakip ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pamumuno ni P/Senior Insp. Julius Sagandon, ang suspek na si Rey Callejo, lider ng Callejo Gang, ng Barangay Guimod, San Juan, Ilocos Sur. Nabatid din kay P/Senior Supt. Alexander Pumecha, provincial police director, na ang grupo ng suspek ay may mga nakabinbing kaso ng robbery/hold-up sa dalawang rehiyon simula pa noong 2005. (Myds Supnad)
Madugong sagupaan
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Sumiklab ang madugong bakbakan matapos na magsagupa ang tropa ng 9th Infantry Battalion ng Phil. Army at mga rebeldeng New People’s Army sa liblib na bahabi ng Barangay Bocaengano sa bayan ng Claveria, Masbate kahapon ng umaga. Kasalukuyang ginagamot sa Claveria District Hospital ang sugatang si Pfc. Resurection Gernali, samantalang bineberipika pa ang pagkikilanlan ng isang rebeldeng napatay. Ayon sa ulat, tumagal ng isang oras ang bakbakan bago nagsitakas ang mga rebelde sa direksyon ng mga Sitio Baga Santo at Macamote ng nabanggit na barangay. Napag-alamang nangongolekta ng buwis ang mga rebelde sa pamumuno ni Ka Marco mula sa maliliit na negosyante nang masabat ng military. (Ed Casulla)
- Latest
- Trending