2 kidnaper arestado
CAMP VICENTE LIM, Laguna — Matapos mapatay ang lider at isang miyembro ng notoryus na kidnap-for-ransom gang sa Laguna noong Huwebes, dalawa pang kasamahang kidnaper ang naaresto ng mga tauhan ng Regional Special Operations Group (RSOG) kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Chief Supt. Nicasio Radovan Jr., Region 4-A police director, ang mga suspek na sina July Peneverde at Rolando Alarma na kapwa miyembro ng Lagalag Group, na nag-o-operate sa buong Southern Tagalog.
Sina Peneverde at Alarma ay naaresto sa kanilang hide-out sa Barangay Llavac, Real, Quezon noong Biyernes ng hapon.
Base sa record ng pulisya, nasagip ng RSOG, ang negosyanteng si Gina Brosas, 32, anak ng mayayamang angkan sa bahagi ng Laguna matapos dukutin malapit sa kanyang bahay sa Zamora St., Barangay San Miguel, Majayjay, Laguna noong Miyerkules ng gabi.
Sa nasabing operasyon, napatay ang lider ng grupo na si Jacinto Peneverde at Rolando Lubi matapos magkasundong magbayaran ng P3-milyong ransom at malaglag sa isang entrapment operation sa Barangay Manaol, Nagcarlan, Laguna.
Pito pang miyembro ng grupo, ang nagawa namang makatakas hanggang sa masukol sina July Peneverde at Alarma sa Quezon. (Arnell Ozaeta)
- Latest
- Trending