7 nalason sa red tide
Dalawang bata ang iniulat na nasawi habang lima pa ang nasa malubhang kalagayan at inoobserbahan sa pagamutan makaraang kumain ng tahong na kontaminado ng red tide sa Sorsogon.
Kinilala sa ulat na ipinadala ng lokal na tanggapan ng Department of Social Welfare and Development sa Sorsogon ang mga nasawi na sina Noriel Arellano, 11, at kapatid nitong si Mary Ann, 5, pawang residente ng Tulay, Casiguran sa naturang lalawigan.
Isinugod naman sa Sorsogon Provincial Hospital makaraang malason sa tahong ang tatlo sa mga biktima na pawang may apelyidong Arellano at nagngangalang Ariel, Albert at Armand. Ang dalawa pa ay sina Rose Guab, 35 at Nardo Habulin, 32, ng North Poblacion, Juban, Sorsogon.
Nagmula umano sa karagatan ng Juban ang mga tahong na nakain ng mga biktima. Dahil dito, inutos ng lokal na pamahalaan ng Sorsogon ang pagbabawal ng pagkain ng tahong mula sa karagatan sa naturang lugar.
Samantala, pina-alalahanan ng pamunuan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang publiko na huwag kakain ng shellfish tulad ng tahong, talaba at halaan na mula sa karagatan ng limang lalawigan.
Ayon sa BFAR, bawal pa rin ang pagkain ng mga shellfish mula sa baybayin ng Wawa sa Bani, Pangasinan; Milagros Masbate; Sorsogon Bay sa Sorsogon City, Sorsogon; at Bislig Bay sa Bislig City, Surigao del Sur gayundin sa Hinatuan bay sa Surigao del Sur dahil mataas pa rin ang toxicity level o lason ng red tide sa naturang mga baybayin.
Nilinaw ng BFAR na bawal ding kainin ang alamang na magmumula sa naturang mga lugar na nasa ilalim ng shellfish ban.
Gayunman, maaari namang kainin ang isda, pusit, hipon at alimango na mula sa naturang lugar. Kailangan lamang umanong linising mabuti ang naturang seafoods laluna ang hasang ng isda bago lutuin upang ’di maapektuhan ang kalusugan kapag kinain. (Edwin Balasa at Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending