P.250M matrikula hinoldap
CAMP OLIVAS, Pampanga — Tinatayang aabot sa P.250 milyon pang matrikula ang tinangay ng mga ’di-kilalang kalalakihan mula sa mag-asawang negosyante sa naganap na panibagong holdapan sa Barangay Dau, Mabalacat, Pampanga kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang mag-asawang biktima na sina Raymond at Sharon Mandap na kapwa naninirahan sa #96 Melanio Street, Samson Ville Subdivision. Ayon sa pulisya, sakay ng Honda Accord (ETT-955) ang mag-asawa na nag-withdraw ng pera sa banko para sa matrikula ng kanilang mga anak nang holdapin ng dalawang ’di-kilalang lalaki na sakay ng motorsiklo. (Resty Salvador)
Paslit dedo sa air gun
CAMP CRAME — Bala ng air gun ang tumapos sa buhay ng isang 10-anyos na lalaki makaraang barilin ito ng isang senglot na kapitbahay ng biktima sa Barangay Piit, Majayjay, Laguna kamakalawa. Nasapol sa kaliwang bahagi ng ulo si Renz Rubian, grade 5 pupil, samantala, naaresto at kinasuhan naman ang suspek na si Ronelio Rubian. Base sa ulat ng pulisya, nagalit ang suspek dahil sa ingay ng biktimang naglalaro kaya naman tinakot nito ng hawak na baril at dahil sa kalasingan ay nakalabit nito ang gatilyo na nagresulta sa pagkamatay ng biktima. (Edwin Balasa)
Bata ng vice mayor dinedo
CAMP CRAME – Tinambangan at napatay ang isang supporter ni San Manuel, Vice Mayor Bonie Apilado, ng mga ’di-kilalang kalalakihan sa panibagong karahasan sa Barangay Guiset Sur, San Manuel, Pangasinan, kamakalawa. Ang biktimang sakay ng traysikel nang ratratin ay nakilalang si Mario Aban Sr., 43, ng Barangay Nagsaag base sa talaan ng pulisya. Malaki ang paniniwala ng pulisya na may kaugnayan sa pulitika ang krimen. (Edwin Balasa)