BUTUAN CITY – Apat na kalalakihan na pinaniniwalaang pekeng DOTC traffic enforcers ang dinakma ng mga awtoridad na nagmamando ng checkpoint sa kahabaan ng national highway sa Sitio Tambis, Barangay Agfa sa bayan ng Sibagat, Agusan del Sur noong Martes ng hapon.
Ang mga suspek na dinala sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Sibagat, ay nakila lang sina Joseph Montaos Tikim, 31, ng Barangay San Jose, Prosperidad; Jimbo Bucong Libres, 32, ng Bayugan, Agusan del Sur; Belindo Azuelo Anolingan, 33, ng Barangay Pili, Esperanza, Agusan del Sur; at si Roque Lloren Abao, 41, ng Barangay San Jose, Prosperidad.
Ayon kay P/Chief Supt. Antonio Dator Nañas, ang mga suspek ay dinakma ng mga tauhan ng DOTC Caraga regional office sa pamumuno ni Engr. Romel D. Andig.
Nakumpiska sa mga suspek ang apat na LTO identification cards at apat na uniporme ng DOTC/LTO.
Sinabi naman ng mga suspek na sila ay deputized civilian agents ng LTO at nagkataon lamang na hindi nagkasundo sa hatian mula sa pangongotong sa mga motoristang negosyante.
Dahil sa nasabing isyu ay tumangging iharap sa mga mamahayag ang mga suspek na pinaniniwalaang may malalim na dahilan ang nasa likod.
Nabatid na karamihan sa mga tauhan ng DENR at ilang opisyal ng lokal na pamahalaan na nakikipagsabwatan sa ilang ahensiya ng gobyerno ay ginagamit ang check points sa pangongotong laban sa mga wood traders. (Ben Serrano)