CAVITE — Tinatayang aabot sa 30-motorsiklo/scooter na pinaniniwalaang karnap at walang kaukulang papeles ang naibenta na ng mga tauhan ng Cavite Motorcycle Unit at hindi na na-impound sa Camp Pantaleon Garcia sa bayan ng Imus, Cavite.
Sa impormasyong nakalap ng PSN sa dalawang dating strikers ng Cavite Motorcycle Unit (CMU) na tumangging ihayag ang kanilang pangalan, nilisan nila ang nasabing kampo dahil hindi nila masikmura ang pinagagawa sa kanila ng mga tauhan ng Cavite Motorcycle Unit.
Kabilang anya sa mga tiwaling gawain ng CMU sa mga karnap na scooter at motorsiklo na kanilang nakumpiska sa iba’t ibang barangay sa Cavite ay pinadadala at ipinabebenta sa kanila sa Quezon at Batangas imbes na dalhin sa nasabing kampo at itala sa log book bilang karnap at walang kaukulang papeles.
Ayon pa sa source, ilan sa mga motorsiklo at scooter na kargado ay personal na ginagamit ng mga tauhan ng CMU at ang ilan naman ay ibinenta sa kanilang mga kaanak at kaibigan.
“Magpunta kayo sa loob ng kampo, wala kayong makikitang naka-impound na motorsiklo at scooter sa bahagi ng CMU maging ang mga sasakyan ay kinatay na at hindi na mapapakinabangan pa,” pahayag ng source.
Napag-alamang kalimitan ay pinaiiwan ang susi at motorsiklo sa may-ari kapag walang kaukulang papeles at hinihinalang karnap at kapag hindi na binalikan ay pansamantalang dadalhin sa safehouse ng CMU bago dalhin sa Batangas at Quezon.
“Matagal nang gawain ng CMU ang magbenta ng karnap na motorsiklo at scooter kaya kami umalis dahil kinukutuban na kami na baka dumating ang panahon ay bigla na lamang kaming mawala,” dagdag pa ng source.
“Kahit pitpitin mo ang mga bayag ng mga pulis-CMU, hindi aamin ‘yan, yung ngang isyu ng kotong na lumabas sa PSN eh, pinagagawa pa ng statement ang mga motoristang kinotongan na walang naganap na pangingikil para kung rumesbak meron silang maipakitang ebidensya,” dagdag pa ng source.
Pinabulaanan naman ni Cavite Gov. Ayong Maliksi, na siya ang bumuo ng Cavite Motorcycle Unit sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus, base sa sinabi ng dalawang pulis-CMU na inakusahan ng pangongotong ng mga motorista. Mhar Basco