Isang Malaysian national na nagpapanggap na isang doctor ng United States at nambibiktima ng mga Pilipina ang nadakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation sa isang entrapment operation sa isang beach resort sa Davao City.
Iniharap ni NBI Director Nestor Mantaring sa mga mamamahayag ang suspek na si Thavarajah Sandrasegaram, alyas Shan at Doc, 55 at residente ng no. 13 Jin Kemuja, Kuala Lumpur, Malaysia na nagpapakilalang isang US doctor at investor sa medical research business.
Ipinaliwanag ni NBI-NCR Regional Director Ruel Lasala na modus operandi ng suspect na makipag-“chat” sa mga bibiktimahin nitong Pilipina na nagnanais na mamuhunan sa medical research sa pamamagitan ng pag-“chat” sa internet.
Ipinapakilala ng suspek ang kanyang sarili na may Master’s Degree mula sa Royal Colleges of Surgeons sa Ireland at Universiti Malaysia kung saan nagsa sagawa siya ng research para sa mga gamot sa sakit sa kidney at sikmura.
Ayon kay Lasala, ang pagkakadakip sa suspect ay bunsod ng reklamo ng isang nagngangalang Susan matapos siyang makuhanan ng P1.6 milyon. Nakilala niya si Sandrasegaram noong Pebrero 2007 kung saan nagkasundo sila na mag-invest ng P2 milyon sa medical research. Sinabi ni Sandrasegaram na konektado siya sa Seatlle Baptist Medical Center sa Washington.
Sa pag-aakalang magandang investment, nagbigay ang biktima ng P1 milyon noong Marso 11, 2007. Subalit matapos ang dalawang linggo ay muling humingi ng P600,000 ang suspek kung saan ibinigay naman ni Susan. Subalit nanlumo si Susan nang makumpirma niya na hindi konektado si Sandrasegaram sa naturang ospital. (Doris Franche)