CAMP CRAME – Brutal na kamatayan ang sinapit ng magkaibigang negosyante makaraang pagtulungang barilin at tagain ng mga kalaban sa negosyo sa Purok Tumpok, Barangay Canlandog sa bayan ng Murcia, Bacolod kamakalawa ng umaga. Animo’y kinatay na baboy ang katawan ng mga biktimang sina Alex Torres at Romulo Garcia na kapwa mamimili ng metal scrap at mga residente ng Hacienda Jovillanos sa Barangay Cansilayan ng nabanggit na bayan. Sa ulat ng local police na isinumite sa Camp Crame, napag-alamang papauwi na ang magkaibigan sakay ng traysikel na kargado ng metal scrap nang harangin at paslangin ng mga di-kilalang kalalakihan na pinaniniwalaang kalaban sa negosyo. Hindi naman sinaktan ng mga killer ang dalawang kasama ng magkaibigan kaya agad naman naipagbigay-alam sa pulisya ang naganap na krimen. Edwin Balasa
Mag-utol nagpatayan
CAVITE – Dahil sa matinding alitan sa titulo ng lupa na minana ng mag-utol ay napatay sa gulpi ang isang 47-anyos na lalaki ng sariling kapatid sa loob ng kanilang bahay sa Barangay 44, Dasmariñas, Cavite kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang biktimang nasawi na si Elmer Dela Cruz, habang arestado naman ang suspek na si Juanito dela Cruz, 49, nakatatandang kapatid ng biktima. Ayon kay PO1 Ronaldo Nabos, na pinagpipilitang kunin ng suspek ang titulo ng kanilang lupa mula sa biktima, subalit tumanggi ito kaya nauwi sa matinding komprontasyon hanggang sa maganap ang pamamaslang. Cristina Timbang
Pulis dinedo sa karinderya
CAMP CRAME — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 54-anyos na pulis ng di-kilalang lalaki habang ang biktima ay kumakain sa isang karinderya sa Barangay Extension sa bayan ng Wao, Lanao del Sur kamakalawa. Napuruhan sa ulo ang biktimang si SPO4 Manuel Marinello Febro ng 1502nd Provincial Mobile Group. Napag-alamang naganap ang krimen dakong alas-7:30 ng gabi kung saan naghahapunan ang biktima sa karinderia na pag-aari ni Imee Fernandez. Edwin Balasa
Kandidato itinumba
CAMP CRAME – Kahit tapos na ang eleksyon ay patuloy pa rin ang karahasan sa Lanao del Sur kung saan isa na naman kandidatao sa pagka-konsehal ang pinaslang makaraang tambangan ito ng di-kilalang lalaki sa bahagi ng Barangay Bacong kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Mohammadali Hadji Nur Rascal, alyas Pamilan, 45, kandidato sa ilalim ng Kampi at residente ng Barangay Bacong sa bayan ng Marantao. Nabaitd na papauwi na ang biktima lulan ng kanyang light blue Nissan Sentra na may plakang KBV 798 mula sa bayan ng Malabang nang harangin at ratratin dakong alauna ng hapon. Edwin Balasa