CAMP CRAME — Dahil sa katabilan ng dila ng isang misis na inakusahang tsismosa ay brutal na pinagtataga ng kanyang kapitbahay ang biktima sa Barangay Minoyan sa bayan ng Murcia, Bacolod kamakalawa.
Halos humiwalay ang ulo at kamay sa katawan nang matagpuan ang bangkay ng biktimang si Alicia Giganto, 48, tindera ng rosas at residente ng Barangay Molina.
Natagpuan ang bangkay ng biktima dakong alas-11 ng umaga sa taniman ng rosas sa Purok Kadugasan ng nabanggit na barangay.
Base sa salaysay ng isang saksi, na namimitas ng rosas ang biktima nang lapitan at pagtatagain ng suspek.
Hindi naman pinangalanan ng pulisya ang suspek para hindi madiskaril ang isinasagawang manhunt operation.
Ayon sa asawa ng biktima na si Herman, bago naganap ang insidente ay kinausap pa siya ng suspek at sinabing pagsabihan nito ang kanyang mi sis na tigilan na ang pagpapakalat ng ma ling tsismis laban sa kanya.
May teorya ang pulisya na tumindi ang galit ng suspek laban sa biktima matapos na kumalat ang malisyosong tsismis.