MALOLOS CITY, Bulacan — Tanging ang San Jose del Monte City, ang hindi pa nagkakapagproklama ng alkalde dahil hindi pa natatapos ang bilangan ng boto kaya’t hindi pa malaman kung sino ang nanalo kina incumbent Mayor Lito Sarmiento at Rep. Eduardo Roquero.
Batay naman sa talaang naipon ng PSN, hindi bababa sa 11 sa 23 naiproklamang alkalde ay re-electionist, walo ang bagong mukha at tatlo naman ang minsa’y naglingkod na ang nakabalik sa puwesto.
Kabilang sa mga re-electionist na alkaldeng nagwagi ay sina Danilo Domingo (Malolos City); Evelyn Paulino (Doña Remedios Trinidad); Romy Estrella (Baliuag); James de Jesus (Calumpit); Epifanio Guillermo (Marilao); Tessie Vistan (Plaridel); Donato Marcos (Paombong); at si Leonardo De Leon (Angat).
Kabilang naman sa mga baguhang alkaldeng nanalo ay sina Romeo Castro (Balagtas); Gani Pascual (Guiguinto); Vicente Esguerra (Pulilan); Angel “Boy” Cruz (Hagonoy); Roberto Oca (Pandi); Roderick Tiongson (San Miguel); Joan Alarilla (Meycauayan,); at si Orencio Gabriel (Obando).
Maging ang mga dating alkalde na may ilang taong namahinga at muling nanalo ay sina Anacleto Meneses (Bulakan); Jonjon Villanueva (Bocaue) at si Feliciano Legazpi (Norzagaray). (Dino Balabo at Boy Cruz)