CAVITE — Bumagsak sa isinagawang “entrapment operation” ng mga tauhan ni Sr. Supt. James Brillantes ng Regional Special Operations Group ang dalawang lady guard ng Overseas Workers Welfare Administration kaugnay ng pagdukot sa isang 10-buwang sanggol kahapon.
Ang mga suspek ay nakilalang sina Jervelyn Marie Clapino at Julie Tomasin, kapwa residente ng Barangay Talaba 4, Bacoor, Cavite.
Nabatid na, nang magtungo kamakailan sa tanggapan ng OWWA ang ina ng biktima na isang overseas Filipino worker, nagprisinta ang mga suspek na tingnan at kargahin ang kanyang anak habang may inaasikaso siyang mga papeles sa naturang ahensya.
Nagtiwala ang ina dahil mga guwardiya ang mga suspek.
Pero nang balikan ng ina ang kanyang anak at ang dalawang guwardiya ay wala na ang mga ito sa naturang lugar. Pagkaraan ng ilang minuto ay nakatanggap siya ng text message sa cellphone na nagsasabing kailangang tubusin niya ang kanyang anak sa halagang P150,000.
Nagpatulong ang ina sa pulisya na nagsagawa ng entrapment operation laban sa mga suspek. Cristina Timbang