OLONGAPO CITY – Bayolenteng kamatayan ang sinapit ng mag-asawang trader makaraang tambangan ng mga ’di-kilalang kalalakihan sa kahabaan ng highway na sakop ng Barangay New Cabalan, Olongapo City kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang mag-asawang nasawi na sina Fernando Timbang, 50, isang AFP reservist na may ranggong 1st Lieutenant; at ang asawang si Luzette, pangulo ng Subic Bay Multi-purpose Cooperative at bise presidente rin ng Subic Bay Montessori School.
Napag-alamang nakasakay sa kotse ang mag-asawa nang biglang bundulin ng kulay pulang Pajero ang gawing likuran nito. Agad naman huminto ang kotse ng mag-asawa upang mag-usisa subalit biglang nag-overtake ang Pajero at pinaputukan ang sasakyan ng mga biktima. Ilan sa mga nakasaksi ang nagpahayag na may dalawa pang kalalakihang sakay ng motorsiklo ang dumikit sa sasakyan ng mag-asawa saka nagpaputok din ng baril. Kinarit ni kamatayan ang mag-asawang Timbang habang ginagamot sa James Gordon Memorial Hospital. (Jeff Tombado at Alex Galang)