Kabilang sa mga alagad ng batas na napaslang ay sina PO2 Leonardo Medilla, PO2 Nelson Barrientos, PO2 Gabriel Ordanes, PO2 Rommel Caleze at si PO2 Alberto Hilario na pawang mga miyembro ng 407th Police Mobile Group.
Sugatan naman sina PO3 Elmer Ligayada, PO2 Julius Villaflores, PO2 Jonathan Alvarez, PO1 Ronnie Rivera, PO2 Joel Viscarra at si PO3 Mario Barbosa na kasalukuyang ginagamot sa pinakamalapit na ospital.
Base sa ulat ni P/Supt. Reynaldo Nestor Rosero, public information officer ng Region IV-B, lulan ng back-to-back police mobile unit ang mga biktimang pulis para magsagawa ng clearing at security operation nang maganap ang insidente bandang alas-7:30 ng umaga.
Agad na namatay ang limang pulis matapos sumabog ang kanilang sasakyan nang masagasaan ang isang landmine na itinanim ng mga rebelde.
Matapos ang pagsabog, sinundan pa ito ng umaatikabong sunud-sunod na putok ng mga rebelde na tumagal ng ilang minuto.
Sa panayam ng PSN kay Rosero, magsasagawa sana ng road security operation ang mga pulis sa gagawing miting de avance ni Governor Josephine Sato sa nabanggit na barangay na nakatakda ng alas-9 ng umaga.
Napag-alaman sa ulat na di-nagbigay ng permit-to-campaign si Gov. Sato sa mga rebelde kaya isinagawa ang pananambang.
Mariin naman kinundena ni Governor Sato ang pag-atake ng mga rebelde pero nangako itong ipagpapatuloy ang paglaban sa insurgency sa lalawigan.