CAVITE – Napatay sa pakikipagbarilan sa pulisya ang isang 38-anyos na mister na pinaniniwalaang tatlong taong nagtago sa batas sa kasong rape makaraang itong mag-amok sa Barangay San Agustin, Trece Martires City, Cavite kamakalawa. Napuruhan sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Efren Ocampo ng Indang, Cavite. Napag-alamang nag-aamok si Ocampo hawak ang baril nang rumesponde ang mga pulis. Imbes na sumuko ay naÿkipagbarilan si Ocampo sa mga rumespondeng pulis hanggang sa bumulagta ito. Nadiskubre ang pulisya na si Ocampo ay nasa talaan ng pulisya bilang wanted person sa bayan ng Naic, Cavite.
(Cristina Timbang)
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Dahil sa pagtanggi sa tagay ay pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 28-anyos na drayber ng kanyang kabaro sa Sitio Tabuk, Barangay Poblacion sa bayan ng Pio V. Corpuz, Masbate kamakalawa. Nakilala ang biktima na si Jonathan Ygot 28, ng Barangay Maihaw, Cawayan, Masbate, samantala, sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Eldie Tolentinas, 39. Napag-alamang niyayang uminom ng alak ang biktima matapos na magmaneho ng pampasaherong jeepney, subalit tumanggi ito kaya nairita ang suspek at isinagawa ang krimen.
(Ed Casulla)
2-tiklo sa kilu-kilong pampasabog |
OLONGAPO CITY – Dalawang sibilyan ang dinakip ng mga alagad ng batas makaraang makumpiskahan ng kilu-kilong pampasabog sa terminal ng pampasaherong bus sa Barangay East Bajac-Bajac, Olongapo City kamakalawa. Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Merlita Nambayan ng Limay, Bataan at Ricky Bautista ng Barangay Matain, Subic, Zambales. Nasamsam sa mga suspek ang tatlong sako ng potassium nitrate, 300 pirasong blasting caps at 10 metrong detonating cord na posibleng gagamitin sa paggawa ng dinamita. Inamin naman ng dalawa na ang tatlong sako ng abono ay gagamitin sa paggawa ng dinamita para sa pangingisda.
(Jeff Tombado)