Pulitikong anti-CARP, manahimik na lang!
May 1, 2007 | 2:27pm
CAMP CRAME – Kinarit na ni kamatayan kahapon si San Carlos City Mayor Julian Resuello na nasa kritikal na kalagayan sa St. Lukes Medical Center matapos na ratratin ng dalawang ’di-kilalang lalaki na ikinasawi rin ng kanyang aide sa ginanap na coronation ng Miss San Carlos City 2007 sa open auditorium noong Sabado ng gabi.
Ito ang kinumpirmang balita ng kanyang anak na si Vice Mayor Julier Resuello, na kumakandidato naman sa pagka-alkalde ng nabanggit na bayan.
Unang isinugod si Mayor Jolly Resuello sa Blessed Doctors Family Hospital (Bernal Hospital) sa Barangay Ilang, subalit agad na inilipad sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City dahil sa maselang kalagayan hanggang sa malagutan ng hininga dakong alas-7 ng umaga kahapon.
Si Mayor Resuello, 54, na kumakandidato sa pagka-vice mayor dahil sa huling termino na nito, ay isa sa pitong sugatan matapos pagbabarilin ng dalawang ’di-kilalang lalaki dakong alas-10:15 ng gabi habang nakikipagkamay sa mga tao noong Sabado sa ginaganap na coronation night sa open air auditorium.
Nagawang yakapin si Mayor Resuello ng kanyang bodyguard na si Eulogio Martirez, 41, subalit maging ito ay binaril at namatay habang nagpupulasan naman ang mga tao sa iba’t ibang direksyon sa takot na madamay sa putukan.
Kabilang sa mga biktimang tinamaan ng ligaw na bala ay sina SPO1 Jaime Almoite, Jonathan dela Cruz, 34; Alwin Fermin, 29, kapwa civilian aide ng alkalde; Paulo Bino, 14; Reyna Muñoz, 9; Domingo Mamaril, 52; at Antonio Soriano, 38, na pawang naisugod sa iba’t ibang pagamutan.
Sa pahayag naman ni Vice Mayor Julier “Ayoy” Resuello, na tumatakbo naman sa pagka-mayor kapalit ng kanyang ama, na sa kasalukuyan ay magsasagawa pa ng pagpupulong ang kanilang partido kung ano ang political plan.
“Mas mahalaga na maibalik muna ang mga labi ng aking ama sa kanilang bayan dahil maraming mga kababayan niya dito ang naghihintay,” dagdag pa ni Vice Mayor Resuello.
Napag-alamang makakaharap ng matandang Resuello sa pagka-vice mayor si Harry Cagampan habang ang batang Resuello naman ay makakalaban si dating Mayor Douglas Soriano sa mayoralty race.
Ang rekomendasyon ni Atty. Reddy Balarbar, provincial election supervisor kay Comelec Commissioner Romeo Brawner ng region 1 na isailalim sa Comelec control ang San Carlos City ay inaprubahan na.
Sa ngayon ay nangangalap na ng impormasyon ang itinatag na Task Force Resuello na binubuo ng provincial at lokal na pulisya, mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Scene of the Crime Operatives (SOCO) at PNP Crime Laboratory. (Dagdag ulat ni Eva Visperas)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended