7 arestado sa illegal fishing SANTA ANA, Cagayan  Pito-katao kabilang ang dalawang dayuhan ang dinakip ng mga tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatics (BFAR) dahil sa pangingisda ng iligal sa karagatang sakop ng Palanan, Isabela, ayon sa ulat kahapon. Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Hung Ching Fu, kapitan ng bangka; Hung Jui Lung na kapwa Taiwanese; Ellim Kaprya, Indonesian national; Florencio S. Macuha Jr., Rodolfo Manalo, Clodualdo M. Moreno at Arnold O. Dela Cruz. Nasamsam sa mga suspek na lulan ng F/B Supreme 2, ang may 300 kilong isda na tulad ng pating, Blue Marlin at yellow fin tuna na nakatakda sanang dadalhin sa Taiwan, ayon sa ulat ng BFAR regional director na si Jovita Ayson. (Victor Martin)
NPA vs SAF: Tinyente todas CAMP SIMEON OLA, Legazpi City  Bulagta ang isang tinyente ng PNP Special Action Force (SAF) makaraang makipagsagupaan sa mga rebeldeng New People’s Army sa Barangay Bugtong, Mandaon, Masbate kahapon ng umaga. Kinilala ang napatay na opisyal na si P/Inspector Harold Gaces na nakipagbakbakan sa mga rebelde kasama ang kanyang mga tauhang SAF. Napag-alamang sinusuyod ng pangkat ng SAF ang liblib na bahagi ng nasabing lugar nang nakasagupa ang mga rebelde. (Ed Casulla)
Hukom kinasuhan ng PAGCOR Kinasuhan ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) ang hukom ng mababang korte makaraang magpalabas ng temporary restraining order (TRO) na nagresulta sa pagsasara ng Fiesta Casino Hotel and Resort sa East Bay Economic Zone sa Binanganon, Rizal. Ayon sa PAGCOR, lumabag si Judge Dennis Z. Perez ng Binangonan Regional Trial Court, Branch 67 sa umiiral na Presidential Decree 771 na nag-aalis sa karapatan ng mga local government unit (LGUs) na mag-isyu ng permits at lisensya sa operasyon ng casino. Sumasalungat din ang TRA na inisyu ni Judge Perez sa Memorandum of the President sa Kalihim ng Interior and Local Government noong 1996, na nakasaad na tanging ang National Government ang may kapangyarihang mag-isyu ng lisensya at permit para sa operasyon ng casino simula pa noong 1975.