Pormal na kinasuhan sa paglabag sa Comelec resolution number 7764/A (gun ban) ang mga suspek na sina Daguioman Mayor Sally Co Kue, town police chief Inspector Sebastian Alcedo, SPO3 Roberto Alcantara, SPO2 Gilberto Claor, Reinhard Quibayen at Salvador Tulio na kapwa alalay ni Co Kue.
Base sa ulat ni SPO2 Alexander Baldos Aberilla, pinara ng grupo ni PNP Special Action Force commander P/Insp. Jose Badilla Jr., ang dalawang sasakyan na patungo sana sa bayan ng Daguioman matapos na dumaan sa PNP-Comelec checkpoint sa Barangay Siblong sa bayan ng Bucay noong Biyernes ng umaga.
Nang sitahin ng mga pulis ay nadiskubreng armado ang mga suspek at pawang nakasuot ng sibilyan na isa sa paglabag sa Comelec gun ban.
Ayon kay Cordillera police spokesman Supt. Joseph Adnol, si Mayor Kue, Alcedo, SPO3 Alcantara, at SPO2 Claor ay sakay ng Toyota Hilux (SDN-819) na minamaneho ni Tulio, samantalang ang ikalawang sasakyang kulay pula na mini-dump truck (ECY-812) na nakarehistro kay ex-mayor Manuel Co Kue ay minamaneho naman ni Quibayen, 31.
Si Alcedo ay armado ng M16A1 rifle at 9mm Beretta, habang sina SPO3 Alcantara at SPO2 Claor ay armado naman ng baril na 9mm.
Nasamsam din sa mga suspek ang isang shotgun at isang 9mm submachine gun na nakalagay sa dump truck.
Sasailalim sa masusing imbestigasyon ang hepe ng pulisya sa nasabing bayan, maging ang kanyang dalawang tauhan habang ang nasabing mayor at dalawang alalay nito ay sasampahan ng kasong kriminal.
Napag-alamang kinansela ni Comelec Chairman Benjamin Abalos ang lahat ng lisensya ng baril ng permit to carry sa buong lalawigan ng Abra dahil sa problema ng loose firearms at patuloy na karahasang may kaugnayan sa politika. (Isinalin sa Tagalog mula sa ulat ni Artemio Dumlao)