5 kaso ng diskwalipikasyon inihain sa lokal na Comelec

DAGUPAN CITY — Limang kaso ng diskwalipikasyon laban sa mga kandidato sa iba’t ibang posisyon ang inihain sa lokal na Commission of Elections (Comelec) kahapon.

Kabilang sa pinadi-disqualify ay ang kandidatura sa pagka-alkalde ni Jimmy Queliza (independent) matapos maghain ng petisyon sa Comelec si re-electionist Urdaneta City Mayor Amadeo Perez Jr.

Gayundin, ang kandidatura ni Edwin Cruz (independent bet) sa pagka-mayor ng Mangatarem na pinadi-disqualify naman ni dating congressman Teodoro Cruz (Lakas-CMD) na lalahok din sa mayoralty bet. Naghain din ng petisyon si Richard Palisoc ng Kabalikat ng Malayang Pilipino para pa-disqualify ang kanyang karibal na si Alfredo Palisoc (independent).

Samantala, si Marilou Macanlalay na isang botante ay pinatatanggal sa Comelec ang kandidatura ni Raquel Victoria Lim (UNO-PDP Laban) sa pagka-konsehal sa bayan ng Calasiao.

Nagsumite rin ng petisyon sa Comelec si Umingan Mayor Alain Rabang (NPC-Biskeg na Pangasinan) para ma-disqualify ang kalabang si Loida Mendoza (independent) sa pagka-alkalde dahil sa dual citizenship. (Eva Visperas)

Show comments