Comelec pinalagan ng PNP
CABANATUAN CITY  Tutol ang police provincial director na isailalim ang Nueva Ecija sa control ng Commission on Elections (Comelec) sa nalalapit na May elections. Sa liham na ipinadala sa Comelec, sinabi ni P/Senior Supt. Allen Bantolo, Nueva Ecija PNP director, na ang sinasabing kaguluhan sa nalalapit na halalan ay haka-haka lang. "It’s a matter of impression, baseless and unfounded," pahayag pa ni Bantolo na nagpaliwanag na wala namang iniulat o naitala na election-related violence incidents (ERVIs) sa nasabing lalawigan simula noong Enero bilang election period. Nabatid na lumiham si Rep. Aurelio "Oyie" Umali (kandidato sa pagka-gobernador) para hilingin sa Comelec na isailalim sa kanilang pamamahala ang Nueva Ecija sa pangamba na maaari pang tumaas ang bilang ng election-related violence incidents. Kaya pinagtibay ng Comelec sa en banc session ang rekomendasyon ni Atty. Emmanuel Ignacio, Comelec regional director for Central Luzon, na isailalim sa pre-emptive measure ang Nueva Ecija, kasabay ng pagdedeploy ng may 350 uniformed soldiers mula sa Northern Luzon Command (Nolcom) upang tumulong sa pulisya sa kaayusan sa lalawigan. Binigyan din ng kapangyarihan ng Comelec si Atty. Panfilo Doctor, na magtanggal o maglipat ng itinalagang mga pulis. (Christian Ryan Sta. Ana)
OLONGAPO CITY  Kung ngayon isasagawa ang eleksyon, siguradong muling mananalo si Olongapo City Mayor James "Bong" Gordon Jr., sa pagka-alkalde. Batay sa isinagawang survey ng Pulse Asia, aabot sa 72 porsyento ng mga residente ang pumili sa kasalukuyang alkalde kumpara sa bise alkalde na kakandidatong mayor na si Rolen Paulino na nakakuha lamang ng 25 porsyentong approval rating. Tatlong porsyento lamang ng mga tinanong ang hindi pa nakakapagdesisyon kung sino ang iboboto nila sa darating na eleksyon sa Mayo 14. Mas pabor din ang mga residente kay Gordon kung ang kandidatong senador na si Vic Magsaysay, na naunang nagpahayag ng planong lumaban sa pagka-alkalde, ang makakalaban. Nakakuha ang alkalde ng 75 porsyentong boto ng mga tinatanong habang 19 porsyento lamang ang pumili kay Magsaysay. Samantala, anim na porsyento naman ang wala pang mapili. Samantala, 24 porsyento lamang ang nakuha ni Paulino habang siyam porsyento lamang ang kay Magsaysay. Tatlong porsyento sa mga tinanong ang hindi pa makapili ng iboboto.