Sulyap balita

Bakasyunistang kawal dinedo
LEGAZPI CITY — Hindi natapos ng isang sundalo ng Phil. Army ang kanyang bakasyon matapos na pagbabarilin hanggang sa mapatay ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Barangay Bacolod, Irosin. Sorsogon, kamakalawa. Napuruhan sa ulo ng bala ng baril ang biktimang si Pfc. Alfonso Garcias, 27, nakatalaga sa 82nd Recon Company sa Catarman, Northern Samar. Samantala, nakilala naman ang dalawa sa mga suspek na rebeldeng NPA na sina Randy Lanuza at Bonoy Enriala. Napag-alamang papasok ng kanilang tahanan ang biktima nang ratratin bandang alas-11 ng gabi. (Ed Casulla)
Nagkapikunan, magsasaka kinatay
CAMARINES NORTE — Dahil sa masamang biruan ay humantong sa pagkamatay ng isang 30-anyos na magsasaka matapos na tagain ng sariling bayaw habang nakikipag-inuman ng alak sa mga kaibigan sa Barangay Hamoraon, Mercedes, Camarines Norte kamakalawa ng madaling-araw. Kinilala ng pulisya ang napaslang na si Sandy Arisaba, samantala, sumuko naman ang suspek na si Arnel Ricafrente, 24, matapos isagawa ang krimen bandang ala-una ng madaling-araw. Napag-alamang napikon ang suspek sa tinuran ng biktima tungkol sa matagal na alitan kaya humantong sa pamamaslang. (Francis Elevado)
Problemadong buntis nagbigti
RIZAL — Pinaniniwalaang may problemang pampamilya ang isang misis na pitong buwang buntis sa buhay ang dahilan kaya nagdesisyong magbigti sa bahay ng kanyang utol na lalaki sa Saarland Village sa Barangay San Isidro, Antipolo City, Rizal kamakalawa. Natagpuang nakabitin sa kisame ng ikatlong palapag ng tinutuluyang bahay ang biktimang si Arlet Estaquio. Posibleng may personal na problema kaya nagbigti ang biktima na naisugod pa sa Antipolo City Community Hospital, subalit idineklarang patay. (Edwin Balasa)
51 kandidato sa16 na posisyon
MALOLOS CITY, Bulacan — Umabot sa 51 kandidato para sa 16 na lokal na posisyong panglalawigan ang nag-file ng kani-kanilang kandidatura noong nakaraang linggo, kabilang ang lima para sa pagka-gobernador ng Bulacan. Batay sa talaan ng lokal na Commisson on Elections (Comelec), tatlo ang kandidato para sa pagka-bise gobernador, 14 naman kandidato sa House bid sa apat na distrito, habang 29 naman ang kandidato para maging board member ng mga nabanggit na distrito. Sa 51-kandidato para sa mga posisyong panglalawigan, tanging ang Lakas-CMD ang nakabuo ng 16 na kandidato, samantala, ang Kabalikat ng Malayang Pilipino (Kampi) at Partido ng Masang Pilipino (PMP) ng United Opposition (UNO) ay may tig-15 kandidato, habang apat indipendyente, at isang nagmula sa Liberal Party. Gayon pa man, marami ang nagpahayag ng paghanga sa partido ng PMP-UNO dahil sa kabila ng kakapusan sa panahon upang maka-ipon ng kandidato para sa iba’t ibang panglalawigang posisyon ay halos nakabuo pa rin ito. (Dino Balabo at Boy Cruz)

Show comments