Kinilala ni Senior Superintendent Felipe Rojas, Laguna police director, ang napatay na si Larry Passion, 43, lider ng Larry Passion Group na nag-ooperate sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal and Quezon) area.
Sa inisyal na imbestigasyon, magkaangas sa motorsiklo (WA-6267) sina Passion at kaibigan nitong si Sonny Clarito nang harangin ng isang van habang binabagtas ang kahabaan ng nasabing national highway bandang alas- 6 ng gabi
Sa salaysay ng mga saksi, biglang may umalingawngaw na sunud-sunod na putok ng baril mula sa van at duguang bumulagta si Passion, samantala, nakaligtas naman ang kasama nitong si Clarito.
Napag-alamang patungo ang magkaibigan sa isang tindahan upang bumili ng gatas ng anak ni Passion nang harangin ng van at isagawa ang krimen.
Sa panayam ng PSN kay Col. Rojas, nahaharap si Passion sa mga kasong murder, kidnapping, robbery at illegal possession of firearms at nakakalaya lamang ito matapos makapaghain ng piyansa.
Sa record ng pulisya, si Passion ay dating rebeldeng New Peolple’s Army at nasa police watchlist bilang leader din ng mga grupong Bonnet Gang, Acetylene Gang at Akyat Bahay na responsable sa mga bank robberies at illegal na droga sa CALABARZON.
"Marami kaming tinitingnang motibo dito, isa na ang onsehan sa droga at posibleng ginantihan ng kanyang mga nabiktima," saad ni Rojas. (Arnell Ozaeta at Edwin Balasa)