Kabilang sa niratrat hanggang sa mapatay ay sina Florito "Nonoy" Duan at Toto Juanico, habang sugatan naman si Titing Berdejo na pawang alalay ni Placer Mayoral bet Freddie "Boy" Quidato na nakaligtas, subalit sugatan din.
Sa ulat na isinumite kay P/Supt Cecilio Callejo Jr., deputy regional director ng Bicol, naganap ang pananambang dakong alas-8 ng uma ga habang ang mga biktima ay naglalakad sa kahabaan ng nabanggit na barangay.
Napag-alaman, na tinangkang protektahan nina Duan at Juanico ang kandidatong si Quidato kaya ang dalawa ang napuruhan ng mga bala habang nakaligtas naman ang tumakbong alkalde kahit sugatan.
Nabatid na noong nakaraang linggo ay nagdagdag na ng puwersa ang PNP sa Masbate upang maiwasan ang lumalalang patayan na may kaugnayan sa pulitika at bilang seguridad na rin sa banta sa buhay ng mga kandidato sa nalalapit na halalan.
Kasabay nito, sinabi ni P/Chief Supt. Samuel Pagdila, tagapagsalita ng PNP, na walong iba pang lalawigan ang binabantayan ng mga awtoridad kung saan naitala ang ilang kaguluhan na may kaugnayan sa pulitika, subalit tumanggi naman itong ihayag ang naturang mga lugar.
Nagsagawa na rin ng mga checkpoints sa mga lansangan sa nasabing lalawigan upang hindi makakilos ang ilang armadong grupo na maaaring magresulta sa anumang madugong kaguluhan. (Ed Casulla At Edwin Balasa)