Matapos maghain ng kandidatura sina Santos at ang bayaw nitong si Ricky Recto sa provincial office ng Comelec bandang alas-11:30 ng umaga, tumulak ang buong grupo ng mamamahayag sa Malarayat Golf and Country Club para sa press conference.
Sa nasabing presscon, kapansin pansin ang panlulumo nina ABC 5 TV reporter Chester Lobramonte at radio reporter Renz Belda ng dzRH dahil sa cinematic style na pagsagot ni Recto sa question and answer portion.
Nag-ugat ang pambabastos ni Recto kay Lobramonte matapos magtanong tungkol sa mga plano ng bise gubernador sa isyung housing at education kung sakaling mahalal na siya bilang kongresista ng Batangas.
Laking gulat ni Lobramonte kabilang na ang ibang national reporter nang sumagot si Recto ng - "ask me another question, don’t ask me about the usual pabahay, edukas yon, kung anu-ano, kasi kung gusto mo bobolahin lang kita for the next 30-minutes, magaling akong mambola"
"Let’s talk something serious, lets talk about graft and corruption, lets talk about jueteng, drugs, lets talk about what’s Sanchez is doing, well, seryoso ang pinag-uusapan at hindi tayo nagbobolahan," pahayag ni Recto.
Bagamat napahiya at nabigla, binago ni Lobramonte ang kanyang tanong pero hindi nito naitago ang pagka dismaya sa bise gobernador.
"Magiging mambabatas siya kaya ko itinanong yon, and beside assignment ko pa nga yon sa desk editors na min in connection with the hostage taking crisis sa Manila, na ang main demand ng suspek na si Ducat ay may kaugnayan sa housing and education," paliwanag ni Lobramonte sa kapwa nito reporter
"It’s a legitimate question and I’m expecting a legitimate answer, hindi naman ako nakikipagbolahan sa kanya eh," dagdag pa ni Lobramonte.
Dinanas din ng reporter na si Renz Belda ng dzRH, ang pambabastos ni Recto matapos na tanungin si Mayor Vi hinggil sa reaksyon sa statement ni Governor Sanchez na ang Batangas ay nangangailangan ng full-time governor.
Matapos makasagot ni Mayor Vi, sinusugan pa ito ni Recto at ang sabi - "si Arman full time, full time crook, he constructed the concrete fence of the capitol without any proper bidding."
Nabigla si Belda sa sagot ni Recto ng sinabi pa nitong "hindi ba natatrabaho ka doon" dapat alam mo ‘yon" habang nakaturo ang mga daliri nito sa reporter. Nang kinunan ng PSN si Recto ng kanyang panig- sabi nito "I didn’t say that he (Belda) was working there as an employee, what I meant is he is covering the capitol."
Subalit nanindigan naman ang bise gubernador na "bad question" ang itinanong ni Lobramonte na ikinadismaya ng iba pang reporter na nagkokober sa presscon.