Kinilala ang mga napaslang na sina Pakil Ayunan, kumander ng Special Operations Group ng MILF at miyembro ng Pentagon kidnap-for-ransom na siyang responsable sa 50 kidnapping sa Mindanao habang inaalam pa ang pagkikilanlan ng isa pa nitong tauhan.
Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Aguinaldo, naitala ang insidente dakong alas-9:30 ng umaga matapos na magtungo sa bahay ni Ayunan ang limang ’di-kilalang armadong kalalakihan na pinaniniwalaang kasamahan din nito sa Barangay Gocotan.
Nabatid kay Col. Pedro Soria, commander ng Philippine Army 602nd Infantry Brigade (IB), tinangka pang umawat ng isang kasama ni Ayunan, subalit pinagbabaril din ito ng lima hanggang sa mamatay.
Samantala, itinanggi naman ni Eid Kabalu, spokesman ng MILF na kasapi nila si Ayunan dahil matagal na itong tinanggal ng grupo sa samahan, dinagdag pa nito na hindi mga rebelde ang pumatay dito kundi militar.
Ayon naman sa military, si Ayunan ay matagal nang pinaghahanap ng batas at may patong na P.5 milyon sa ulo dahil sa pagkakasangkot nito sa napakaraming kaso ng kidnapping kabilang ang pagdukot at pagpatay sa 5 inhinyerong Tsino at guide na Pinoy noong Mayo 2001. (Edwin Balasa)