Sulyap Balita

Holdaper dedo sa shootout
CAVITE — Karit ni kamatayan ang sumalubong sa isang notoryus na holdaper makaraang makipagbarilan sa mga rumespondeng pulis na nagresulta sa pagkaaresto sa isa pang suspek sa bahagi ng Barangay Sampalok 2, Dasmariñas, Cavite kahapon ng madaling-araw. Nasawi sa putukan si Berto "Palos" Labores ng General Aguinaldo, Cavite, habang kalaboso naman ang isa pang holdaper na si Ernie Panganiban, 29, ng Barangay Kaypaaba, Silang, Cavite. Tugis naman ng pulisya ang isa pang kasamahan ng dalawa na si Toto Zaragosa. Ayon kay SPO4 Carlito Gener, ang tatlo ay nangholdap ng pampasaherong jeepney bago naganap ang shootout. (Cristina Timbang)
Sanggol itinapon sa basurahan
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City — Isang bangkay ng sanggol na babae na pinaniniwalaang bunga ng masamang balak ng ina ng una ang natagpuan sa basurahan sa Barangay Bagong Sirang sa bayan ng Pili, Camarines Sur kamakalawa ng hapon. Napag-alamang nakalitaw ang paa ng sanggol kaya namataan ng hepe ng barangay tanod na si Ramon Largo kaya agad itong humingi ng tulong sa pulisya para sa kaukulang disposisyon. (Ed Casulla)
Utol ng pari itinumba
CABIAO, Nueva Ecija – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 43-anyos na kapatid ng pari ng di-kilalang lalaki habang ang biktima ay bumibili ng sigarilyo sa tindahang malapit sa kanilang tahanan sa Barangay San Fernando Sur, Cabiao, Nueva Ecija noong Huwebes ng umaga. Kinilala ni SPO3 Nestor Vasallo, ang biktima na si Jaime P. Parulan, district coordinator ng kooperatiba at utol ni Fr. Angelito Parulan ng Aliaga, Nueva Ecija. Agad na tumakas ang killer sakay ng motorsiklo. (Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments