Ang mga biktimang magkakatabing nasunog sa ikalawang palapag ng kanilang tahanan ay sina Chong Eng King Chua, 79; Helen Cui Chua, 55; mga apong Aida Marie Chua, 16; Arvin Chua, 13; Arjohn Chua,12; Karen Cue Chua, 15; at si Kenneth Cue Chua, 10, pawang residente ng Eastern Enterprise na matatagpuan sa Cabuya Street ng nasabing lugar.
Sa inisyal na ulat na isinumite kahapon sa Camp Crame, naitala ang sunog dakong ala-1:23 ng madaling-araw habang natutulog ang mga biktima sa ikalawang palapag ng gusali.
Napag-alamang ginagamit ng pamilya Chua ang unang palapag sa negosyong ice cream cones at paggawa ng noodles.
Ayon kay Fire Marshall Ishmael Codilla, bago masunog ang kinaroroonan ng mga biktima ay nakarinig ang mga trabahador ng pamilya Chua ng malakas na pagsabog sa unang palapag at biglang kumalat ang apoy.
Pinilit namang iligtas ng mga trabahador ang mga biktimang natutulog sa ikalawang palapag, subalit naudlot ang pagliligtas matapos na kumalat ang apoy sa gusali hanggang sa na-trap na ang mga ito at tuluyang nasunog.
Naapula naman ang apoy makalipas ang ilang oras at natagpuan ang mga bangkay ng biktima sa ikalawang palapag ng gusali na ang iba ay magkatabi pa.
Samantala, nakaligtas naman ang mga magulang ng bata na nakilalang sina Janet at Allan Chua, kasama na ang panganay nilang anak na si Archie dahil wala sila sa kanilang bahay ng maganap ang nasabing sunog.
Umaabot sa P1 milyon ari-arian ang naabo sa nasabing sunog na hanggang sa ngayon ay inaalam pa ng mga imbestigador kung ano ang tunay na dahilan. (Edwin Balasa)