Bulacan mapayapa sa halalan
March 25, 2007 | 12:00am
BULACAN  Walang inaasahang kaguluhan sa mga bayan at lungsod sa Bulacan sa nalalapit na mid-term May 14 elections. Ito ang naging pahayag ni Comelec Chairman Benjamin Abalos matapos siyang magtalumpati sa libu-libong volunteer ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa University of Regina Carmel kamakailan. Sinabi rin ni Abalos na nagpalabas na siya ng resolusyon para sa mga opisyal at kawani ng Comelec na iwasang tumanggap ng tawag mula sa alinmang partido pulitikal sa panahon ng halalan. Napag-alamang sa Marso 31, ilalabas ng Comelec ang listahan ng mga botante sa kani-kanilang lugar. (Dino Balabo)
DINGALAN, Aurora – Limang kandidato kabilang na ang nakakulong na si Mayor Jimmy Ylarde, ang maghaharap sa mayoralty race sa bayan ng Dingalan, Aurora sa May 14 elections. Kabilang sa mga maglalaban sa pagka-alkalde ay sina dating Dingalan, Mayor Boy Galvez, Boy Yang at ex-Mayor Zenaida Padiernos at Councilor Diwa Padiernos. Si Ylarde ay nakakulong dahil sa kinakaharap nitong kaso sa pagpatay sa publisher-editor ng weekly newspaper na Starline Times Recorder na si Philip "Balbas" Agustin, noong May 10, 2005 Mariin namang pinabubulaanan ni Ylarde ang akusasyong siya ang utak sa nasabing krimen, na ngayon ay dinidinig na sa Manila Regional Trial Court, matapos itong ilipat mula sa Branch 66 ng Regional Trial Court sa Baler, Aurora. (Christian Ryan Sta. Ana)
Sakaling hindi umatras si Batangas Vice Governor Ricky Recto, ay kakandidato naman ang multi-awarded actor na si Christopher "Boyet" de Leon sa pagka- bise gobernador ng Genuine Opposition sa May 14 elections. Ito ang inihayag ni ret. Chief Supt Nestor Sanares, kung saan si de Leon ang magiging running mate niya, subalit wala pang pormal na kasunduan na nabubuo. Inindorso na ng Guardians Brotherhood ang kandidatura nina Senares at Boyet ngayong Linggo sa Malvar, Batangas. Sa panig naman ni GO Spokesman Atty. Adel Tamano, wala pang opisyal na desisyon ang liderato ng Oposisyon kung iindorso ang kandidatura ni Sanares bilang kandidatong gobernador ng kanilang partido. (Joy Cantos)
LUCENA CITY  Hindi disqualified at puwede pang kumandidato si Lucena City Mayor Ramon Talaga Jr. sa kabila na ito ay nakatatlong termino na. Ibinatay ng kampo ni Talaga ang kaso nito sa kaso ni Bataan Governor Leonardo Roman na natalo sa election, subalit muling nanalo sa isang recall. Base sa en banc resolution ng Supreme Court sa kaso ni Roman na kinuwestyon ang panalo bilang gobernador noong May 2001 elections, maituturing na isang regular term ang pagkapanalo nito sa recall elections dahil dinismis ang petition for certiorari laban dito. Si Talaga ay muling napaupo bilang city mayor nang matalo sa isang recall election ang tumalo sa kanya sa regular election na si Bernard Tagarao. (Tony Sandoval)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended