MALOLOS CITY  Pormal nang nagsanib ng puwersa sina dating Bulacan Governor Roberto "Obet" Pagdanganan at Kinatawan Willy Alvarado sa pagnanais na maihatid ang lalawigan sa panibagong dahon ng gintong kasaysayan nito. Ang pagsasanib ng kanilang puwersa ay naganap sa Mequeni Restaurant sa Holiday Inn, Clarkfield, Pampanga kamakalawa matapos ang halos apat na oras na pag-uusap kaharap ang mga kongresista ng Bulacan. Ayon kay Pagdanganan, nakumbinsi lamang nila si Alvarado na maging bise gobernador niya sa darating na halalan matapos kausapin ito ng Malakanyang na magbigay daan para sa kanya upang matiyak ang patuloy na kaunlaran ng Bulacan.
(Dino Balabo)
NUEVA ECIJA  Isang anak ni radio station dzRH broadcaster Joe Taruc na si Popoy ang nagpasyang kumandidatong bise gobernador ng lalawigang ito sa darating na halalan. Makakalaban ni Taruc ang anak naman ni Nueva Ecija Governor Tomas N. Joson III na si Edward Thomas na kasalukuyang bokal ng lalawigan. Katambal ng batang Taruc si 3rd District Rep. Aurelio Umali na tatakbong gobernador. "Gusto ko lang namang makapaglingkod at mabago ang sistema ng politika rito sa Nueva Ecija. "Subukan naman nila ang iba," hiling ni Popoy sa kanyang mga kababayang Novo Ecijano.
(Christian Ryan Sta. Ana)
SORSOGON  Tiniyak ng lokal na lider ng bayang ito sa Bicol na mga kandidato ng Team Unity ang susuportahan nila sa eleksiyon sa Mayo 14 kahit na kababayan nila ang isang kandidato ng Genuine Opposition na si Francis "Chiz" Escudero. Ayon kay Sorsogon Governor Raul Lee, lahat ng lider sa kanyang probinsiya kabilang na ang mga lider ng barangay na dumalo sa isinagawang Pulong Sulong ay sumusuporta sa 12 kandidato ng Team Unity.
(Malou Escudero)