2 patay sa motorcycle crash |
LEGAZPI CITY  Dalawang sibilyan ang kumpirmadong nasawi habang tatlo naman ang nasugatan makaraang magsalpukan ang dalwsang motorsiklo sa kahabaan ng Rizal Street sa Legazpi City kamakalawa. Kinilala ang mga namatay na sina Reynaldo Aringo at Allan Sacay, samantalang ginagamot naman sa Bicol Regional Training And Teaching Hospital sina Mark Dizon, Mark Andrew Atazado at Carlo Gonzales. Napag-alamang sakay ng motorisklo (EL-4900) si Aringo, kaangkas si Mark Dizon nang makasalubong ang Yamaha motorcycle (EJ-5796) ni Atazado na kaangkas naman sina Gonzales at Sacay.
(Ed Casulla) Pulis na rumesponde natodas |
LUCENA CITY  Hindi na nakaresponde sa tawag ng tungkulin ang isang alagad ng batas sa nagaganap na kaguluhan makaraang mahagip at namatay ang biktima ng delivery jeep sa bahagi ng Dalahican Road sa Barangay Mayao Crossing sa nabanggit na lungsod kamakalawa ng gabi. Grabeng pinsala sa ulo ang natamo ni PO3 Emmnuel de Guzman, 42, ng Solcomville Subdivision matapos na masalpok ng jeep (XHM-488) ni Teodoro de Chavez na ngayon ay nakapiit at pormal na kinasuhan. Sa ulat ni SPO2 German Merle, napag-alamang nakatanggap ng tawag sa telepono ang biktima kaugnay sa kaguluhan sa labas ng malaking mall kaya agad itong sumakay ng motorsiklo para rumesponde, subalit naganap ang sakuna.
(Tony Sandoval) Drayber kinatay sa inuman |
CAVITE  Napagtripang pagtatagain hanggang sa mapatay ang isang 37-anyos na pedicab drayber ng kainuman nitong vendor sa bahagi ng Barangay Pasong Camachile sa bayan ng General Trias, Cavite kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa leeg ng itak ang biktimang si Roberto Magtabog ng Block 65 Lot 33 P2A, Grand Riverside Subd. ng nabanggit na barangay, habang tugis ng pulisya ang suspek na si Joseph Barai, 54, ng Block 66 Lot 38 ng nasabi ring lugar. Ayon kay PO3 Roberto Briones, magkasamang nag-iinuman ng alak ang dalawa nang biglang manlisik ang mga mata ng suspek bago isinagawa ang krimen. May teorya ang pulisya na nagalit ang suspek sa pagbibiro ng biktima kaya siya pinaslang.
(Cristina Timbang) CAMP VICENTE LIM, Laguna  Kalaboso ang binagsakan ng anim na kalalakihan na pinaniniwalaang tulak ng bawal na gamot makaraang masakote ng mga tauhan ng PNP Regional Special Operation Group sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay San Antonio, Biñan, Laguna kamakalawa. Kabilang sa mga kinasuhan ay sina Joel Arenas, 29; Arphil Espanio, 24; Alexander Torres, 37; Aurea Jaojoco, 46; Raquel Eugene, 50; at Roberto Candelaria. Napag-alamang nagpanggap na poseur-buyer ang isang alagad ng batas bago masakote ang mga suspek kabilang na ang tatlo na naaktuhan sa pot session. Nakumpiska sa mga suspek ang ilang plastic sachet na pinaniniwalaang naglalaman ng methamphetamine hydrochloride (shabu).
(Ed Amoroso)