Kabilang sa mga suspek na kinasuhan ay sina Diosdado Tayag, 43; Alberto Balenton, 37; Virgilio Jocson, 52; Alex Tirva Pineda, 42; Alberto de Guzman Rodigal, 31; at David Ramon Santos.
Kasama rin sa kinasuhan sina Jesus N. Suing, kagawad ng Customs police; at Ronald G. Ignacio, forest ranger ng SBMA Law Enforcement Department na pinaniniwalaang nag-escort sa anim na iba pang suspek lulan ng tatlong sasakyan na may kargang 100 kahon ng sigarilyo at 400 bote ng ibat ibang klase ng alak.
Nalambat ng mga operatiba ng "Task Force Subic" sa pamumuno ni Major Michael C. Bawayan Jr., ang mga suspek matapos ang mahabang habulan mula sa bodegang pinagkunan ng mga kontrabando hanggang sa Morong Road, Sitio Minanga sa Barangay Mabayo, Morong, Bataan.
Si Ignacio ay kinasuhan din sa ilalim ng Omnibus Election Code at kinumpiska ang kanyang baril dahil walang kaukulang papeles mula sa Comelec.
Nauna rito, inimbestigahan din ng Task Force Subic sa pamumuno ni retired Gen. Jose Calimlim, sina Suing at Ignacio tungkol sa iba pang mga kasamahan nila na posibleng sangkot din sa modus operandi ng smuggling. (Jeff Tombado at Alex Galang)