Sayawan pinasabog: 8 patay, 27 sugatan

CAMP VICENTE LIM, Laguna — Walo-katao na pinaniniwalaang mga miyembro ng grupong Commando Brotherhood ang kumpimadong nasawi samantalang 27 naman ang nasugatan makaraang sumabog ang granada sa gitna ng sayawan sa plaza ng Palawan noong Biyernes ng madaling-araw.

Kabilang sa mga namatay ay sina Marcial Cadungog, Jose Ramos, Teodoro Garcia, Marlon Sarasa, Jun-jun Bonbon, Cornelio Cormas, Bimbo Unding at Toto Johore, alyas "Toto Vilma", na pinaniniwalaang lider ng nabanggit ng grupo.

Base sa ulat ni P/Senior. Supt. Dennis Pena, Palawan police director, si Toto Johore ay miyembro ng kultong "Commando Brotherhood" at itinuturong responsable sa paghahagis ng granada na ikinamatay niya mismo, kasama ang pito pa nitong kasamahan.

Sa isinagawang imbestigasyon, bandang alauna ng madaling-araw nang dumating si Toto sa plaza na sakop ng Barangay Canipaan sa bayan ng Rizal at may bitbit na shotgun.

Nang mamataan ng kanyang mga kasamahan, ay pinagbawalan ito at sinabihang hindi siya dapat nagdadala ng armas sa pampublikong okasyon tulad ng sayawan.

Dahil sa napahiya, umalis na lamang si Toto sa kasayahan bitbit ang shotgun, pero bumalik ito ilang saglit lang na may hawak namang granada.

Gayon pa man, magkakasabay na sinunggaban ng kanyang mga kasama si Toto para agawin ang granada, pero nabunot na ang safety pin nito at bigla na lang sumabog.

Kaagad na tumilapon ang pitong biktima kasama na si Toto, samantala, namatay naman ang isa pa habang ginagamot sa ospital.

Samantala, 27-katao pa sa sayawan ang nasugatan at kasalukuyang ginagamot sa Ospital ng Palawan sa Puerto Princesa, Rio Tuba Nickel Hospital sa Bataraza, Palawan at Puerto Princesa Cooperative Hospital.

Ayon sa ulat ng pulisya, ang "Commando Brotherhood" ay kasapi sa Philippine Benevolent Missionaries Association ni Ruben Ecleo, subalit hindi pa malinaw kung miyembro din ang grupo ng mga nasawi na nasa Palawan. (Arnell Ozaeta At Edwin Balasa)

Show comments