Amok: 3-katao todas

CAMP CRAME — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang detachment commander at kasamahan nitong sibilyan ng isang miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit na nag-suicide makaraang maghuramentado ang huli kamakalawa ng gabi sa San Carlos City, Negros Occidental.

Nakilala ang mga biktima na sina Sgt. Jerry Cortez, detachment commander at sibilyang si Brian Egloria, samantala, nagpakamatay naman ang CAFGU na si Henry Daragosa.

Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, naitala ang insidente dakong alas-7 ng gabi sa Cafgu detachment sa Palampas Village, Negros Occidental.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na inutusan ni Cortez, si Daragosa na kunin ang kanyang M-16 rifle sa labas at dalhin sa loob ng detachment na sinunod naman ng huli.

Subalit pagbalik ni Daragosa ay sunud-sunod na putok ang umalingawngaw at duguang bumulagta ang nasabing kumander at ang sibilyan na katabi nito.

Duguang nakabulagta rin si Daragosa na pinaniniwalaang nagbaril sa sarili matapos na patayin ang dalawa.

May posibilidad na may itinatagong galit si Daragosa sa kanyang kumander kaya isinagawa ang krimen.

Show comments