Misis dedo, kambal kritikal |
CAVITE – Maagang pinaglamayan ang isang 47-anyos na misis habang nasa kritikal na kalagayan ang kambal na babae makaraang makaladkad ng kotse sa kahabaan ng Gen. Emilio Aguinaldo Highway sa bayan ng Imus, Cavite kamakalawa. Nasawi sa sakuna si Mely Gimal ng Barangay Anabu 2E, samantalang ginagamot naman sa ospital ang pamangking kambal nito na sina Ana Pushia at Ana Marie Chinel, kapwa 5-anyos, ng Barangay San Andres, Area C, Dasmariñas, Cavite. Sumuko naman ang drayber ng Toyota Revo (XMT-760) na si Ewal Kim, 65, propesor sa Presbyterian Theological Seminary sa Barangay Salitran, Dasmariñas. Ayon sa ulat, tumatawid ang mga biktima sa naturang highway nang mahagip ng kotse.
(Cristina Timbang) CABANATUAN CITY, Nueva Ecija  Apat na kalalakihan na pinaniniwalaang tangkang holdapin ang isang banko sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Dicarma sa Cabanatuan City ang nasakote ng mga alagad ng batas noong Lunes ng umaga. Pormal namang kinasuhan ang mga suspek na sina Ricardo Ponteres, 40, security guard, ng Janiway, Iloilo; Rannel Imbang, 31, ng Bugasong, Antique; Arnel Adelantar, 39, ng Janiway, Iloilo; at si Cesar Ledesma, 46, ng Palanan, Makati City. Sa ulat ni P/Senior Supt. Allen Bantolo, Nueva Ecija police provincial director, ang apat ay sakay sa Toyota Tamaraw FX (TJA-296), nang masabat ng pulisya at nakumpiskahan ng apat na baril na may tig-aapat na bala. Ayon kay PO2 Victor Moises, nasakote ang mga suspek matapos na makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen na may hoholdaping bangko sa naturang lugar.
(Christian Ryan Sta. Ana) 2 patay, 15 grabe sa sakuna |
CAMP CRAME – Dalawang sibilyan ang iniulat na nasawi habang labinlimang iba pa ang malubhang nasugatan matapos na mahulog sa creek ang sinasakyang trak ng mga biktima sa Sitio Leonor, Malasibog, Escalante sa Negros Occidental kamakalawa ng gabi. Kabilang sa mga biktimang nasawi ay sina Arthur Comparia at Pacifico Montisio na kapwa residente ng Barangay Malisog, Escalante. Malubha namang nasugatan sina Tomas Pablio, Guillermo Quizon, Angelito Makig-anay, Lemar Makig-anay, Ramon Makig-anay, Mariano Catalan, Jolito Togonon, Edgardo Constantino, Antonio Guanzon, Leticia Guanzon, Rene Boy Bina-bai, Jomar Teneros, Rogelio Jimenes, Jessie Boy Jimenez at Julio Guanzon. Napag-alamang nagmula ang trak sa Escalante City patungong Silay City nang umapaw ang tubig sa sapa kaya iniwasan ng driver subalit habang nagmamaniobra ay nawalan ng kontrol kaya nalaglag ito sa creek na may tubig.
(Edwin Balasa)