3 dalagita naisalba sa sex den |
SAN LEONARDO, Nueva Ecija  Tatlong menor-de-edad na babae ang nailigtas ng pulisya at mga tauhan ng Department of Social Welfare Development (DSWD) mula sa dalawang karinderya na pinaniniwalaang front ng prostitusyon sa Barangay Diversion sa bayan ng San Leonardo, Nueva Ecija kamakalawa. Pormal na kinasuhan ang may-ari ng dalawang karinderya na sina Fidel Atienza, 41, may-ari ng Kubo 1 restobar at si Dodong Sumande, 40, may-ari ng Kubo 2 restobar. Ang tatlong biktima na may edad 17-anyos ay kasalukuyang nasa pangangalaga ni Lourdes del Rosario, officer ng San Leonardo Municipal Social Welfare Development Office. Nanawagan naman si del Rosario sa mga magulang na nawawala ang kanilang mga anak na makipag-ugnayan sa nasabing ahensya ng lokal na pamahalaan.
(Christian Ryan Sta. Ana)
2 katao bulagta sa kawatan |
LEGAZPI CITY – Dalawa-katao kabilang na ang isang public safety officer ang iniulat na napatay makaraang pagbabarilin ng ’di-kilalang lalaki na pinaniniwalaang kawatan sa loob ng palengke ng Barangay Pinaric sa Legazpi City kahapon ng madaling-araw. Idineklarang patay sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital ang mga biktimang fish vendor na si Joven Abion at ang opisyal ng palengke na si Arnulfo Ayende. Base sa ulat na isinumite kay P/Senior Supt. Adelio Castillo, police chief ng Legazpi City, naitala ang krimen ganap na alas-2:45 ng madaling-araw matapos na pagnakawan ang fish vendor. Matapos na mapatay si Abion ay tumakas ang ’di-kilalang lalaki, subalit nakasalubong nito si Ayende kaya binoga rin at nasawi.
(Ed Casulla)
GENERAL NAKAR, Quezon  Maagang napariwara ang kinabukasan ng isang 12-anyos na batang babae matapos na ito ay tatlong taong gawing asawa ng sariling ama sa Brgy. Catablingan, Quezon. Kahapon lamang natuklasan ang krimen makaraang humingi ng tulong ang biktima sa kanyang mga kaanak. Base sa imbestigasyon ni P01 Hernalyn Perez ng Women’s Desk Section, naganap ang unang panghahalay sa biktima noong gabi ng Enero 2004 sa kanilang bahay. Naulit ng maraming beses ang panggagahasa ng suspek sa biktima at hindi magawang makapagsumbong sa mga awtoridad sa takot na totohanin ang banta ng ama na papatayin silang lahat kapag may nakaalam ng nangyayari sa kanila. Kahapon ng umaga ay nagkaroon ng pagkakataon ang biktima na magsumbong sa ina hanggang sa pagplanuhang arestuhin ang suspek na si Basilio Quila, 51, subalit nakatunog ang huli at nagawang makatakas.
(Tony Sandoval)