2 tinedyer dedo sa road mishap

LUCENA CITY — Maagang sinalubong ni kamatayan ang dalawang 19-anyos na kabataan makaraang bumangga ang kanilang motorsiklo sa kasalubong na Toyota Revo sa kahabaan ng Maharlika Highway na sakop ng Barangay Ibabang Dupay, Lucena City kamakalawa ng gabi.

Nabasag ang bungo at nagkabali-bali ang mga buto sa katawan ng mga biktimang sina Donald Balmeo at Michael Durado na kapwa naninirahan sa Barangay Ibabang Dupay.

Sa imbestigasyon nina SPO2 Benjie Jabrica at PO2 Alvin Evangelista, officers on case, dakong alas-11:15 ng gabi ay magkaangkas ang dalawa sa kulay dilaw na Honda motorcycle at ayon sa ilang saksi ay biglang tumawid ang isang aso kung kaya’t nabangga ito at nawalan ng kontrol ang motorsiklo.

Napapunta sa kaliwang bahagi ng kalye ang motorsiklo kung kaya’t sumalpok sa kasalubong na Toyota Revo (VCF-800) na minamaneho ni Ronaldo Santos ng Brgy. Kanlurang Mayao.

Nakapiit ngayon sa Lucena PNP station ang driver ng Toyota Revo at sinampahan ng kaukulang kaso. (Tony Sandoval)

Show comments