Ayon sa ulat na nakuha ng PSN, umaabot sa P15 milyon ang koleksyon ng mga kubrador bawat araw dahil sa pinalawak ng mga jueteng operator ang kanilang operasyon.
Lumalabas na ang mga bolahan ng jueteng ay ginagawa sa ilang bahagi sa Santiago City, fourth district; Cauayan City sa ikatlong distrito; bayan ng Roxas para sa second district at Mallig region at ang kabisera ng Isabela para naman sa first district.
Inamin naman ng isang kubrador na tumaas sa 100 porsyento ang kanilang koleksyon dahil na rin sa suporta ng mga tumataya sa nasabing sugal.
Samantala, pinulong naman ni Cagayan Valley police director Chief Superintendent Ameto Tolentino, kamakailan ang kanyang limang provincial police directors upang pag-usapan ang sitwasyon ng buong rehiyon kabilang na ang operasyon ng jueteng lalo na sa Isabela.
Naniniwala naman ang ilang mga residente rito na hindi na kayang mapatigil ng provincial government ang operasyon ng jueteng lalo na sa panahong malapit na ang eleksyon. (Victor Martin)