2 hepe ng pulisya itinumba

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City — Dalawang hepe ng pulisya ang iniulat na tinambangan at napatay ng mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang rebeldeng New People’s Army sa naganap na panibagong karahasan sa magkahiwalay na bayang sakop ng Masbate at Sorsogon kamakalawa.

Kinilala ang mga biktimang opisyal na sina P/Senior Inspector Alberto Montecalvo, 52, police chief ng bayan ng Pio V. Corpuz sa Masbate; at si P/Senior Inspector Cipriano Lachica, 57, retirado at naging police chief sa bayan ng Magallanes sa Sorsogon.

Lumitaw sa inisyal na pagsisiyasat, si Montecalvo ay sakay ng kanyang motorsiklo nang harangin at pagbabarilin ng mga armadong di-kilalang kalalakihan sa kahabaan ng highway na sakop ng Barangay Lampuyang sa bayan ng Pio V. Corpuz sa Masbate.

Samantala, si Lachica naman ay pinagbabaril ng mga rebelde habang naglalakad papauwi mula sa kaibigang binisita sa bahagi ng Zone 1 sa bayan ng Bulan, Sorsogon.

Ayon kay P/Chief Supt. Ricardo Padilla, Bicol provincial director, si Montecalvo ay patungo sana sa himpilan ng pulisya mula sa pag-aaring bukirin nang maganap ang pananambang bandang alas-5 ng hapon kamakalawa.

Tinangay ng mga rebelde ang service firearm ni Montecalvo at iniwan ang motorsiklo.

Naniniwala si P/Senior Supt. Joel Regondola, Sorsogon provincial director, ang naganap na magkahiwalay na pananambang ay upang paniwalain ang taumbayan na lalong lumalakas ang puwersa ng maka-Kaliwang kilusan sa mga nasabing lugar. (Ed Casulla)

Show comments