Dumulog sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Dasmariñas, ang biktimang si Marlon Barcelo, kasama ang dalawang opisyal ng Barangay Kaong, Silang, Cavite na sina Manolito Olfato at Apolinario Amoroso upang ipagbigay-alam ang insidente.
Ayon kay P/Supt. Mario Reyes, police chief ng Dasmariñas, hinarang ng apat na armadong kalalakihan ang minamanehong Nissan Urban van (WTM-882) ni Marlon Barcelo sa nabanggit na lugar.
Iginapos at inilagay sa likurang bahagi ng van si Barcelo na nilimas ang lahat ng kanyang personal na gamit kabilang na ang wallet at celfone.
Makalipas ang ilang minuto ay itinapon si Barcelo na nakagapos ang mga kamay at may piring pa sa mga mata sa bahagi ng Barangay Kaong, Silang, Cavite hanggang sa matagpuang buhay ang biktima.
Dahil sa pakikipag-ugnayan ni Barcelo sa pulisya tungkol sa karnap van nagpakalat ng alarma ang pulisya.
Kasunod nito ay napatay naman ang apat na karnaper/holdaper sa shootout laban sa mga operatiba ng pulisya matapos na maharang ang karnap van ni Barcelo sa bahagi ng Molino Road sa panulukan ng Aguinaldo Highway sa Barangay Anabu 2, Imus, Cavite kamakalawa.
"Ang pangalan ni Barcelo ang naibigay sa mga mamamahayag na pagkikilanlan ng isa sa apat na napatay na holdaper/karnaper," dagdag pa ni Reyes.
Kabilang sa mga napatay na suspek na lulan ng Nissan Urban van na tinanggalan ng plaka ay sina Joel at Ronald Malvar ng Barangay Molino, Bacoor, Cavite, base na rin sa nakuhang sedula sa kanila. (Cristina Timbang)