Tatlo sa apat na suspek ay nakilalang sina Joel Malvar, Marlon Barcelo at Ronald Malvar ng Bacoor, Cavite base na rin sa cedulang nakuha sa kanila at kapwa miyembro ng grupong Ampang-Colangco robbery holdup gang.
Ayon kay P/Chief Supt. Nicasio Radovan, Region 4-A police director, bineberipika pa nila kung ang cedula na nakuha sa mga suspek ay mga tunay na pagkatao ng mga napatay na holdaper.
Base sa ulat, bandang alas-9 ng umaga nang pahintuin ng tropa ng Special Operations Group (SOG) ng Cavite Police Provincial Office ang kinarnap na sasakyang kulay pulang Nissan Urban van sa kahabaan ng Aguinaldo Highway sa Barangay Anabu II dahil sa walang plaka.
Subalit imbes na tu migil ang Nissan Urban na walang plaka, pinaputukan ng mga suspek ang mga pulis na nagresulta sa ilang minutong bakbakan hanggang sa mapatay ang apat na suspek sa holdap.
"Matagal na naming minomonitor ang grupo ng mga suspek hanggang sa makatanggap kami ng impormasyon na manghoholdap na naman ng banko ngayon sa Cavite," pahayag naman ni P/Senior Supt. Fidel Posadas, Cavite provincial police director sa PSN kahapon.
"I already instructed my intelligence chief to coordinate with the bank managers so they could identify if the slain suspects are the same persons who robbed them," dagdag ni Posadas
Nakarekober ang mga pulis ng isang caliber .45 pistola, isang caliber 38 revolber at dalawang 12-gauge shot gun mula sa mga suspek.
Pinaghahanap na rin ang isang suspek na nakatakas habang nagpapalitan ng putok ang grupo ng holdaper at mga awtoridad. (Arnell Ozaeta at Cristina Timbang, dagdag ulat ni Ed Amoroso)