7 grabe sa pagsabog ng granada

CABANATUAN CITY — Pitong kalalakihan na pawang miyembro ng fraternity ang iniulat na nasa kritikal na kalagayan makaraang sumabog ang granadang inihagis ng dalawang ‘di-kilalang lalaki sa Barangay Quezon District, Cabanatuan City, Neuva Ecija kamakalawa. Kabilang sa mga biktimang isinugod sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center Hospital at Nueva Ecija Good Samaritan Hospital ay sina Jonathan Diaz, 25; Robert Jacinto, 32; Giovanni Soriano, 22; Ariel Chaves, 27, pawang mga nakatira sa Sapiandante St., Barangay Quezon Dist.; Eliseo Manuel, 33, tricycle driver at residente ng Brgy. Nabao; James Ganao, 20, ng Brgy. Dimasalang at si Joven Ordonia, 36, ng Kapitan Pepe Subdivision ng nasabing lungsod. Sa ulat ni P/Supt. Eliseo Cruz, hepe ng Cabanatuan City PNP, kay P/Senior Supt. Allen Bantolo, provincial police director, ang mga biktima na pawang miyembro ng Tau Gamma Fraternity ay magkakasamang nag-iinuman ng alak sa bakuran ng bahay ni Doralyn Soriano nang maghagis ng granada ang dalawang ‘di-kilalang lalaki na sakay ng motorsiklo.

Kasalukuyang sinisilip ng pulisya ang anggulong away ng magkalabang fraternity ang isa sa motibo ng krimen at ang isyung politika. (Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments