Mag-ama niratrat ng 2 adik

ANGONO, Rizal — Napatay ang isang 37-anyos na ama habang malubha namang nasugatan ang kanyang 4-anyos na anak matapos na pasukin ng dalawang adik sa droga ang tahanan ng mag-ama sa Barangay Mahabang Parang, Angono, Rizal kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ng pulisya ang biktimang napaslang na si Edwin Delo Santos habang nasa kritikal na kalagayan si Ivan na kapwa residente ng Purok 30, Zone 5, Villa Guido, Barangay Mahabang Parang ng nasabing lungsod.

Samantala naaresto naman ng mga pulis-Angono ang isa sa mga suspek na si Jay Enriquez, kabarangay ng mga biktima.

Ayon kay P/Supt. Felipe Abigan Jr. hepe ng Angono police, naganap ang insidente dakong alas-3 ng madaling-araw, subalit lingid sa kaalaman ng mga suspek na may nakakita sa krimen at nakilala sila kaya nasakote si Enriquez.

Lumalabas sa imbestigasyon na paghihiganti ang naging motibo ng mga suspek sa pagpatay sa mag-ama dahil ipinagbigay-alam ng mga biktima sa pulisya ang modus operandi ng mga suspek. (Edwin Balasa)

Show comments