Opisyal ng PNP-CIDG nilikida

CAMP CRAME — Maagang natapos ang panunungkulan ng isang mataas na opisyal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) makaraang pagbabarilin hanggang sa mapatay ng mga ’di-kilalang lalaki na pinaniniwalaang mga rebeldeng NPA sa bayan ng Pili, Camarines Sur kahapon.

Sa sketchy report na pinadala ni P/Senior Supt. Romeo Mapalo, Provincial police director, dalawang bala ng baril ang tumapos sa buhay ni P/Supt.Vicente Mendenilla, 52, hepe ng Assistance for Directorate Community Relation - CIDG sa Camp Crame sa Quezon City.

Ang biktima ay bumisita sa pag-aaring Subadan Beach Resort sa Barangay Binanuaan nang maganap ang pamamaslang dakong alas-4:30 ng hapon.

Naisugod pa ang biktima sa Mother Siton Hospital sa Naga City, subalit idineklarang patay dahil sa tama ng bala sa tiyan at tuhod.

Napag-alamang dumating ang biktima sa kanyang beach resort noong Biyernes para bisitahin ang naturang lugar na posibleng natiyempuhan ng mga killer. (Angie dela Cruz at Ed Casulla)

Show comments