Convoy niratrat: 2 katao patay

CAMP AGUINALDO – Dalawa-katao kabilang ang isang barangay chairman ang kumpirmadong nasawi makaraang ratratin ng mga armadong kalalakihan ang convoy ng isang sikat na provincial board member ng North Cotabato sa kahabaan ng highway na sakop ng Barangay Bulol sa bayan ng Pikit, kamakalawa ng hapon.

Batay sa ulat ni P/Senior Inspector Elias Dandan, hepe ng pulisya sa Pikit, si Board Member Bai Farida Malingco at mga supporter nito ay sakay ng dalawang behikulo pauwi na sa Barangay Poblacion matapos bumisita sa liblib na Barangay Kabasalan nang ratratin.

Kaagad na namatay sina Tugaya Nur at Edris Maduli habang sugatan naman ang utol ni Farida na si Ibrahim Malingco.

Napag-alamang si Maduli ay kabesa ng Barangay Bulol — kilalang balwarte ni Bokal Malingco na napaulat na tatakbong alkalde ng munisipalidad ng Pikit.

Itinanggi naman ni Dandan na may kinalaman ang karahasan sa pulitika kaugnay ng nalalapit na May 14 mid-term elections sa lugar.

Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon na may matinding hidwaan ang pamilya ni Nur at ang grupo ng mga suspek na nakilalang sina Mama at Mamato Unda na mabilis na tumakas sa direksyong pinagkukutaan ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF). (Joy Cantos At John Unson)

Show comments