9 patay, 7 sugatan sa ‘killer truck’

Siyam katao na kinabibilangan ng dalawang bata ang nasawi, habang pito pa katao ang malubhang nasugatan makaraang aksidenteng tumaob ang isang humahagibis na ten wheeler truck na bumabagtas, kahapon ng madaling-araw sa kahabaan ng isang highway sa Cotabato City.

Batay sa inisyal na ulat ng Cotabato City Police, naganap ang insidente dakong alas-4 sa Quezon Avenue, nabanggit na lungsod.

Kasalukuyan namang inaalam pa ng awtoridad kung ano ang posibleng dahilan ng pagkakataob ng trak na minamaneho ng driver-suspect na si Edwin Florez.

Nabatid na nakisakay lamang sa nasabing trak ang mga biktima ng biglang mawalan ang nasabing sasakyan ng balanse at tuluyang tumaob dahilan upang madaganan ng saku-sakong mga mais ang mga biktima.

Boluntaryo namang sumuko si Florez sa pulisya na nagtamo naman ng mga galos at pasa sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan. (Joy Cantos)

Show comments