February 12, 2007 | 12:00am
15-anyos binagsakan ng hollow block, todas! |
CAVITE  Karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng isang 15-anyos na batang lalaki makaraang patayin ito sa pamamagitan ng pagbagsak ng hollow block sa ulo at basta na lang iwanan sa bakanteng lupa sa Brgy. Tejero, Rosario, lalawigang ito kamakalawa. Ang biktima ay si Nomer Atienza, ng Sitio Boracay, Brgy. Wawa 3. Hindi naman natukoy ang salarin sa nasabing pagpatay. Batay sa imbestigasyon ni PO2 Dario Carangalan, may hawak ng kaso, ganap na alas-12:00 nang matagpuan ang duguang bangkay ng biktima na nakahandusay sa bakanteng lote ng Union Glass sa Sitio Hacienda, Brgy. Tejero ng bayang nabanggit. May malaking sugat ito sa ulo sanhi ng pagkakabagsak ng hollow block na siyang ginamit sa pagpatay sa biktima. Narekober pa ng pulisya sa tabi ng bangkay ng biktima ang 12 x 12 na sukat ng hollow block na ginamit sa krimen.
(Cristina Go-Timbang)
Dalaga natagpuang patay sa kubo |
CAVITE  May mga tama ng bala sa katawan at wala ng buhay nang matagpuan ang isang 29-anyos na babae sa gilid ng tinitirhan nitong kubo sa Sitio Gulodgod Baboy, Brgy Sapang 1, Ternate, ng lalawigan kahapon ng umaga. Ang biktima ay si Geraldine Sacro, 29, ng nasabing lugar. Wala pang matukoy na salarin sa nasabing insidente. Batay sa imbestigasyon ni PO1 Melovic Faustino, may hawak ng kaso, ganap na alas-8:30 ng umaga nang matagpuang nakadapa at duguan ang biktima sa gilid ng kubong tinitirhan nito. Nag-iisa lamang umanong nakatira ang biktima sa kanyang kubo. Ganap na alas-8:00 umano ng gabi nang huling makitang buhay ang biktima sa kanya ring kubo at kinaumagahan ay nakita na itong nakahandusay at may mga tama ng bala sa katawan. Kasalukuyan nang sinusuri ang katawan ng biktima upang malaman kung posibleng ginahasa ito bago ang isinagawa ang krimen. Narekober ng pulisya ang ilang empthy shells ng baril na 9mm sa pinangyarihan ng krimen, na hinihinalang ito ang mga balang tumama sa katawan ng biktima
. (Cristina Go Timbang)
‘Killer’ ng Fil-Am, arestado |
DAET, Camarines Norte  Bumagsak na sa kamay ng mga awtoridad ang isa sa apat na suspek sa pagpatay sa isang binatilyong Filipino-American matapos na maaresto sa loob ng Mabini Colleges noong Biyernes ng umaga sa nasabing bayan. Mabilis na dinampot nina PO1 Angelo Babagay at PO1 Elmer Azures, warrant officer ang suspek na si Philip Ramil Conmigo, 22, binata at estudyante ng Mabini Colleges at residente ng Happy Homes Pasig, Brgy 2 ng nasabing bayan sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Leo L. Intia ng RTC Branch 38 sa kasong Homicide may criminal case no. 13029. Magugunita na nitong 2006, natagpuang patay sa irrigation ng Brgy. Lag-on ang biktimang si Duncan Hill matapos na laslasin ang tiyan, leeg at tinapyasan pa ang isang tenga nito umano ng mga suspek. Gayunman, agad na nakalaya ang suspek matapos na makapaglagak ng P40,000 piyansa.
(Francis Elevado)