18 pupil, 2 guro ‘nalason’ sa mercury

PANTABANGAN, Nueva Ecija — May 18 mag-aaral at dalawang guro ng Cambitala Elementary School sa Barangay Cambitala, bayang ito, ang isinugod sa pagamutan matapos na mahilo sa nasinghot na tumapong mercury ng isang nabasag na thermometer sa isa sa mga classroom nito, noong Huwebes ng hapon.

Sa ulat ng Pantabangan Police station, nangahilo ang may 18 Grade 6 pupil at ang dalawa nilang guro nang kumalat sa hangin at masinghot ang tumapong mercury habang sila’y naglilinis ng kanilang silid-aralan para sa gagawing district evaluation ng Department of Education (DepEd).

Agad na dinala sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Hospital sa Cabanatuan City ang mga biktima at ngayon ay sumasailalim sa obserbasyon at medikasyon.

Lumalabas sa imbesti gasyon na dakong alas-2 ng hapon habang naglilinis ang mga mag-aaral kasama ang kanilang mga guro nang aksidenteng matabig ng isa sa mga estudyante ang thermometer na tuluyang nahulog at nabasag sa sahig ng naturang classroom.

Dahil mahangin ay agad na nalanghap ng mga biktima ang tumagas na mercury na nagresulta ng kanilang pagkahilo.

Sinabi naman ni Dr. Rolyster Gustillo, municipal health officer ng Pantabangan Municipality, na pansamantala muna nilang isasara ang naturang paaralan at bubuksan na lang ito kapag may rekomendasyon na ang Department of Health (DOH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na malinis na ito sa naturang kemikal. (Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments