Barko na nasiraan, ligtas na dumaong

Mapayapang nakadaong ang SuperFerry 16 na napaulat na nasiraan ng makina sa karagatang sakop ng Calavite Point sa Mindoro, habang nasa ligtas na kalagayan naman ang 883 pasahero at 75 pahinante matapos na hatakin ng Malayan Towage patungo sa Asean Terminal Eva Macapagal, Pier 15 noong Lunes ng hapon (Peb. 5).

Binigyan ng mga pangangailangan ang nasabing bilang ng pasahero at sapat na pahinga sa tamang lugar bago nagpasya ang pamunuan ng Our Lady of Medjugorje (OLOM) sa pamamahala ng Aboitiz Transport System na gumawa ng "special trip" patungo sa destinasyon ng mga pasahero.

Matatandaang noong Biyernes ng Pebrero 2, sa hindi inaasahang pagkakataon ay nasiraan ng makina ang SuperFerry 16 mula Cebu patungong Manila.

Pansamantalang tumigil ang nasabing barko, subalit makalipas ang ilang oras ay sumaklolo naman ang Phil. Coast Guard sa pangunguna ni Vice Admiral Damian Carlos sa tulong na rin ni Commander Commodore Ramon Liwag at ang skipper ng SAR003 Captain Joel Garcia.

Maaaring patuloy na tumawag ang mga pasaherong naapektuhan sa Aboitiz Transport System sa (02) 528-7000 o kaya’y mag-text sa (0917)889-2421 para sa karagdagang detalye.

Show comments