Mag-ina nalasog sa pagsabog ng acetylene tank
STA. MARIA, Bulacan  Nabahiran ng trahedya ang pagdiriwang ng kapistahan sa bayan ng Sta. Maria kahapon makaraang sumabog ang tangke ng acetylene na ikinamatay ng mag-ina at ikinasugat ng dalawa pa. Kinilala ni P/Supt. Efren Ramos, hepe ng pulisya sa bayang nabanggit, ang mag-inang namatay na sina Rosalinda Lamanilao-De Guzman at ang kanyang 10-taong gulang na anak na si John Jericho, na kapwa residente ng Sitio Tabing Ilog, Barangay Poblacion, Sta. Maria. Kabilang naman sa nasugatan ay sina Marlon de Guzman, 21, ng Barangay Buenavista at Julian Dumayag, 46, ng Barangay Bagbaguin na nagtamo ng first degree burn at ngayon ay ginagamot sa Mateo General Hospital. Ayon sa pulisya, naglalakad sa harap ng Christian Gas Air Products ang mag-ina sa Barangay Bagbaguin bandang alas-11 ng umaga nang biglang sumabog ang tangke ng acetylene. Dahil sa lakas ng pagsabog, tumilapon ang ulo at kamay ni Jericho, samantalang naputol ang kamay ng kanyang ina at lumuwa ang bituka dahil sa malaking sugat sa tiyan. (Dino Balabo & Boy Cruz)