February 7, 2007 | 12:00am
Mag-utol tiklo sa pagnanakaw |
CAVITE Kalaboso ang binagsakan ng mag-utol na babaeng katulong makaraang ireklamo ng kanilang amo sa kasong pagnanakaw ng P2 milyong ari-arian sa Barangay Maliksi, Bacoor, Cavite kahapon ng umaga. Pormal na kinasuhan ang mga menor-de-edad na suspek ay itinago sa mga pangalang Anna at Lucy na kapwa tubong Ligao City. Kinilala naman ang nagreklamong mag-asawang amo na sina Floramia at Dr. Ernie Caliboso ng nabanggit na barangay. Ayon kina PO2 Clarence John Erese at PO2 Dominador Termil, sinamantala ng mga suspek na umalis ang kanilang amo saka isinagawa ang pagnanakaw na kasapakat ang dalawang hindi kilalang lalaki.
(Cristina Timbang)
10 tripulante nilamon ng dagat |
CAMP NAKAR, Lucena City Sampung tripulanteng kalalakihan ang iniulat na nawawala makaraang lumubog ang dalawang bangkang pangisda sa naganap na magkahiwalay na sea tragedy sa karagatan ng Quezon. Kabilang sa mga nawawalang mangingisda ay nakilalang sina Rogelio Cabangon, kapitan ng FV-Rycel; Alberto at Nelson Monteron, Ruel Duquilla, Rogelio Alcantara at Charles de Chavez. Nakaligtas naman si Salufranco Luna kaya naipagbigay-alam sa mga kinauukulan ang insidente. Lumubog ang dalawang bangka sa karagatan ng Infanta, at Agdangan, Quezon noong Enero 28 at Pebrero 1, 2007.
(Tony Sandoval)
LPG blast: 2 obrero gutay |
CAMP AGUINALDO Dalawang obrero ang kumpirmadong nasawi makaraang sumabog ang tumagas na liquified petroleum gas (LPG) sa bodegang pinapasukan ng mga biktima sa Davao City kamakalawa. Nagmistulang uling ang mga katawan nina Ruel Donayre at Eric Deguinon na kapwa manggagawa ng LRJL Marketing. Batay sa ulat, naitala ang pagsabog bandang alas-4 ng hapon habang ang dalawa ay masayang nanonood ng television sa loob ng bodega kung saan imbakan ng mga tangke ng LPG.
(Joy Cantos)