Sulyap Balita

82 bahay sa Davao City naabo
Aabot sa 82-kabahayan ang tinupok ng apoy sa naganap na sunog sa slum area sa Barangay 74, Matina Gravahan, Davao City kahapon. Base sa inisyal na ulat ng pulisya, bandang alas-2:30 ng madaling-araw nang sumiklab ang apoy mula sa kandilang napabayaang tumumba sa kahoy na sahig sa bahay ng pamilya Nadal. Dahil sa magkakadikit na bahay na gawa sa maninipis na kahoy ay agad na kumalat ang apoy. Nailikas naman ang mga nasunugang residente kung saan binigyan ng tulong ng mga kinauukulan. Wala namang iniulat na nasawi sa naganap na sunog.
Mag-asawang magsasaka niratrat
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Patay agad ang isang 40-anyos na misis habang sugatan naman ang kanyang mister makaraang tambangan ng mga maskaradong kalalakihan sa Barangay Agoho, Esperanza, Masbate City kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Editha Saraga, samantalang si Jury Saraga, 35, ay sugatang nakaligtas na pamamaril na naganap bandang alas-11:30 ng gabi habang sakay ng motorsiklo ang mag-asawa. Nakarekober ng 16 na basyo ng M16 Armalite rifle ang pulisya sa crime scene. (Ed Casulla)

Show comments